log #5. ang unang sulat sa taong dos-sais
sa tingin ko, ayos lang na sumulat, kahit para sa taong pansamantala lamang tatagal sa buhay ko. masyado ko na yata nanormalisa ang pagalay ng mga liham na naglalaman ng halos dugo at laman-loob ko, kahit na simula’t sapul, alam ko nang walang kapasidad ang nais kong bigyan upang intindihin o basahin man lang ang mga salita ko.
sa tingin niya, mali ang ginagawa kong pagsulat tungkol, at para, sa kahit kanino mang tao. ayon sa kanya, ang ideya at pakiramdam ang dapat kong susulatan, hindi ang mismong tao. ang pagpili ng salita, konstruksyon ng pangungusap, paglagay ng lalim, pagbibigay kahulugan, at pag-iwan ng impresyon sa damdamin ay hindi basta-basta ibinibigay ng libre. dapat itong bayaran pabalik gamit ang oras, pag-unawa, at pagsasapuso sa parehong antas ng aking pagsulat.
totoo nga ang sinabi niya. hindi ko dapat basta-basta pinapamigay ang mga salita kong para sa kanya ay kayamanan, ngunit para sa mga taong nais kong bigyan, ito’y kaya lamang nilang isantabi. may mga damdaming hindi nararapat gawing pabaya o panandalian, dahil sa bawat salita, may bahagi ng sarili kong iniwan na hindi madaling ibalik.
sa tingin din namin, may mga salita at damdamin na hindi basta-basta naiipapasa o nauunawaan. may hangganan ang kakayahan ng ibang tao na maramdaman ang lalim ng iniisip mo, at minsan, kailangan mo ring ipalabas ang lahat, kahit alam mong hindi lahat ay makakaabot sa puso nila. ang pagsusulat ay para rin sa sarili. isang paraan upang ayusin ang kalituhan sa loob, kahit ang iba ay mananatiling tagamasid lamang. kahit matapos mabasa ang liham ay wala ni isang punto ang naintindihan.
sa tingin naman ninyo, tama bang ipagkaloob ang puso at salita sa hangin, sa sandali, sa pansamantala? o mas mabuting hintayin ang katahimikan, ang darating na magbabalik ng parehong tibok at pag-unawa? minsan, ang tanong na ito ang mas mabigat kaysa mismong mga liham na sinusulat ko.
sana tama kayo. sana mali kami. sana sa susunod na dos-katorse, ‘di na sa isa’t-isa manggagaling ang kinakasabikang makita at matanggap. sana ang mga paghihintay at pangungulila ay hindi na nakatali sa isa lamang, at may lugar para sa mas malawak na pag-unawa at pagtanggap.
katotohanan ngang mas berde ang damo kung saan kami magkasama. ngunit may distinksiyon pa rin ang pagunawa na nagmumula sa iba. ang init, ang sinseridad, ang pakiramdam na meron ngang tao maliban sa isa’t isang naiintindihan ka sa paraang wala nang iba pa ang may kaya.
hvd, almarie angel. tayo na namang dalawa sa taong pares, naglalakbay sa parehong buwan at araw, dala ang mga liham at tahimik na hiling, habang tinutunton ang mga gabi at araw ng pagasang may tao ring nais umintindi sa lenggwahe nating dalawa.
txto